Pamilya, 6 todas sa sunog
MANILA, Philippines – Anim na miyembro ng isang pamilya ang nasawi matapos na sila ay makulong sa nasusunog nilang bahay kahapon ng madaling araw sa Las Piñas City.
Sa inisyal na ulat na natanggap ni P/Sr. Supt. Adolfo Samala, hepe ng Las Piñas City Police, ang mga nasawi ay kinabibilangan ni Dulce Tianzon at mga anak na sina Allick Bon; Aaron Archer; Duncan Bryan at ina ni Dulce na si Alita at lola nilang si Segunda Hernandez, 80.
Nasugatan naman sina Bonifacio Tianzon Jr. at Ace Bon Tianzon.
Batay sa ulat, dakong alas-12:45 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Tianzon na matatagpuan sa Nomad St., Airmen’s Village, Barangay Manuyo Dos ng naturang siyudad.
Sa inisyal na ulat ay biglang sumiklab ang apoy sa bahay ng pamilya Tianzon na sa mga oras na iyon ay nasa kasarapan ng tulog at nakulong ang mga ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya katuwang ang Bureau of Fire Protection kung ano ang pinagmulan ng sunog.
Umabot sa unang alarma ang sunog at tanging bahay lamang ng pamilya Tianzon ang natupok at tinatayang nasa P300,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala.??
Samantala, nasunugan din ng bahay ang 11 pamilya sa San Labrador Compound sa Himlayan Road, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Batay sa ulat,dakong alas-3:44 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Herminio Enfiesta, 54 na matatagpuan sa nasabing lugar.
Mabilis kumalat at nadamay ang mga katabing bahay na gawa lamang sa mga light materials.
Sa inisyal na imbestigasyon na naiwang kandila na nagsilbing ilaw ng bahay ni Enfiesta ang pinagmulan ng sunog.
- Latest