Barbero, manikurista pakukunan ng lisensiya
MANILA, Philippines - Isang panukalang batas ang isinusulong ni Senator Miriam Defensor-Santiago na naglalayong i-regulate ang ‘barbering’ o panggugupit ng buhok at cosmetology kabilang na ang mga taga-linis ng kuko, taga-make up at iba’t ibang uri ng serbisyo tungkol sa pagpapaganda.
Nais ni Santiago na magkaroon ng isang board na sasala sa mga nais pumasok sa larangan ng ‘barbering’ at ‘cosmetology’ kapag naging ganap nang batas ang Senate Bill 2508 na tatawaging “Barbering and Cosmetology Act”.
Ipinaliwanag ni Santiago na katungkulan ng estado na tiyakin na nabibigyan ng proteksiyon ang mga mamamayan lalo na sa kalinisan.
Karamihan aniya sa estado ng Amerika kabilang na ang California, Minnesota, New Hampshire, Virginia at Montana ay may ‘board of barbering and cosmetology’ na nagbibigay ng lisensiya sa mga cosmetologists, barbers, manicurists, aestheticians para sa skin care, electrologists, at mga establisimiyento na nagbibigay ng mga kahalintulad na serbisyo.
Ang nasabing board din ang humahawak ng mga reklamo kaugnay sa kapabayaan, incompetence, at maging sanitary conditions ng mga estabilisemyento at mga schools ng barbering at cosmetology at electrology.
Sakaling maging batas ang panukala, magkakaroon na ng Board of Barbering and Cosmetology sa Pilipinas kung saan kinakailangang kumuha at mag- renew ng lisensiya ang mga cosmetologists, barbers, manicurists, aestheticians, electrologists, at mga establishments na nagpapatakbo ng kahalintulad na negosyo at titiyak sa kaligtasan at pagpapanatili ng sanitation standards ng iba’t ibang barber shops at mga beauty parlors.
- Latest