NPA landmine attack, nasilat
MANILA, Philippines – Isang landmine ang itinanim ng New People’s Army (NPA) ang nasilat ng tropa ng militar sa isang liblib na lugar sa Brgy. Rizal, Buenavista, Agusan del Norte kamakalawa.
Batay sa ulat, bandang alas-8:05 ng umaga nang marekober ng Army troops ang landmine na itinanim ng mga rebelde sa highway ng nasabing lugar.
Sinabi ni Major Christian Uy, Spokesman ng Army’s 4th Infantry Division (ID) bago ang pagkakadiskubre ay nakatanggap ng impormasyon ang mga sundalo mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga rebelde na nagtatanim ng kung anong bagay na may mga wirings sa tabi ng highway.
Nagresponde ang tropa ng militar na naaktuhan ang mga rebelde na naghukay sa lugar at nagtatanim ng Improvised Explosive Device (IED) na kung saan ay nagkaroon ng maikling putukan sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng 5 minuto.
Ang grupo ng mga rebelde ay mula sa Sandatahang Platoon Pampropaganda Guerilla Front Committee 4A, North Central Mindanao Regional Committee na nag-o-operate sa mga bayan ng Carmen, Nasipit at Buenavista; pawang sa Agusan del Norte.
Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan na nakipagsagupa sa mga rebelde.
Narekober naman ng tropa ng mga sundalo ang 100 metrong electric wire na gamit ng NPA rebels sa paggawa ng IED.
- Latest