CGMA pinayagang mag-Pasko sa bahay
MANILA, Philippines – Makapagdiriwang ng Pasko sa bahay si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito’y matapos pagbigyan ng Sandiganbayan First Division ang hirit nitong holiday furlough.
Subalit, sa desisyon ng anti-graft court, maaari lamang makauwi sa bahay sa La Vista, Quezon City si Arroyo mula bukas, Disyembre 23 hanggang 26, hindi hanggang Enero 3 na hiniling nito. Ibig sabihin, sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) pa rin sasalubungin ng dating pangulo ang Bagong Taon.
Alas-10:00 ng umaga bukas (Disyembre 23) nakatakdang ibiyahe si CGMA patungo sa La Vista, at kailangang bumalik ng ospital, alas-2:00 ng hapon ng Disyembre 26.
Inatasan ng korte ang Philippine National Police (PNP) na magbigay-seguridad sa dating pangulo, pero sasagutin ni CGMA at lahat ng gastos.
Kontrolado ng otoridad ang paggamit nito ng communication at electronic devices at bawal itong magpaunlak ng panayam sa media.
Napansin namang binanggit ng korte sa desisyon sa holiday furlough ang pagbisita ng Santo Papa, na kilala sa pagiging mapagmalasakit.
- Latest