Lahat ng paliparan, tadtarin ng CCTV - Koko
MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga otoridad sa lahat ng paliparan sa bansa na maglagay ng CCTV cameras sa loob at labas ng mga airport upang magdalawang-isip ang sinumang nais gumawa ng krimen.
Ito ay matapos mahuli sa akto ang isang airport police na binasag ang salamin ng taxi nang tumanggi ang tsuper na ibigay ang lisensiya nito sa NAIA Terminal 3 noong nakaraang Biyernes.
Nahuli sa akto si PO2 Alejandro Pineda Jr. nang makunan ng video ng pasaherong si Gracie Fabie ang pangyayari na ina-upload niya sa Facebook.
Ayon kay Pimentel, maiiwasan ang mga ganitong pangyayari kung may CCTV cameras sa lahat ng estratehikong lugar ng mga paliparan ng bansa.
Tinukoy ni Pimentel ang paglalagay ng CCTV cameras sa Laguindingan airport sa Cagayan de Oro City upang mapigilan ang pag-atake ng mga elementong kriminal tulad ng pag-ambush kay Iligan City Rep. Vicente Belmonte na ikinamatay ng apat na katao kamakailan.
Ipinaalala rin ni Pimentel na sa kawalan ng CCTV cameras sa NAIA Terminal 3 ay blangko ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpatay kay Mayor Ukol Talumpa ng Labangan, Zamboanga del Sur kasama ang tatlong iba pang biktima ng ambush noong Disyembre 2013.
- Latest