Driver na holdaper tiklo
MANILA, Philippines - Arestado ang isang taxi driver habang pinaghahanap ang dalawa nitong kasabwat matapos na holdapin ang kanyang mga pasahero kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Police detention cell ang suspek na si Victorio Duldulao Jr., 33, may asawa, ng #1980 F. Muñoz St., Barangay 43 ng naturang lungsod habang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa pang suspek.
Takot na takot namang nagtungo sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang biktimang si Jocelyn Alit, isang empleyado, ng Area 4, Joyful St., Bagong Silangan, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon naganap ang insidente dakong alas-2:20 ng madaling-araw sa hindi kalayuan ng NAIA Terminal-3 ng naturang lungsod, kung saan sumakay ang mga ito sa kulay putting taxi na Val&Vangie (PYZ-465) para magpahatid sa Quezon City.
Ngunit habang binabagtas ang panulukan ng Andrew Avenue patungong Circulo Del Mundo, Pasay City ay biglang itinigil ng driver ang kanyang taxi sabay na sumakay ang dalawang lalaki at agad na tinutukan ng patalim ang magtiyahin at nagpahayag ng hold-up at kinuha ang shoulder bag ng biktima na naglalaman ng P2,000 at mabilis na bumaba ng taxi at tumakas.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa mga barangay tanod na naging dahilan upang maaresto ang driver na kalaunan ay umamin na kilala niya ang isang suspek sa pangalang alias “Roy”.
Dahil dito’y mabilis na ikinulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa illegal possession of deadly weapon matapos makumpiskahan ito ng isang mahabang patalim sa loob ng kanyang minamanehong taxi.
- Latest