Locator sa Subic Bay Freeport pinagnanakawan
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines-Umaabot na umano sa mahigit sa kalahating milyong piso ng halaga ng mga kagamitan ang nawala mula sa isang locator dito matapos ilang beses na pasukin at pagnakawan.
Ayon kay Rutch Anchete, ang admin officer ng Fahrenheit Company Limited na malaki umano ang posibilidad na dumadaan sa ilog na katabi lamang ng kompanya ang mga kawatan dahil sa mga nakitang sinira o binutas na expanded wire na nagsisilbing bakod ng Freeport.
Sa ilang pagkakataon na sila ay pinagnanakawan at ilang beses na rin silang nagsusumbong sa pamunuan ng Law Enforcement Department ng Subic Bay Metropolitan Authority o SBMA, ngunit wala umanong aksyon na ginawa para mapigil ang sunod-sunod na nakawan sa kanilang kompanya at mga kalapit na locator.
Kabilang sa mga natangay na ng mga kawatan ay mga malaking bakal, walong baterya ng truck, tatlong makina ng heavy equipment at mga spare parts at gulong ng mga truck.
Sa pinakahuling pagnanakaw ay pinasok na ang opisina at tinangay ang printer, ilang mga desktop computer at pera na aabot sa P50,000.
Upang hindi na mapasok ng mga kawatan na dumadaan sa ilog, nagpasya ang pamunuan ng Fahrenheit na maglagay ng apat na patong ng hollow block na bakod sa harap ng ilog, subalit ito umano ay minasama ng SBMA dahil ito raw ay isang violation, gayung tumutulong na sila sa SBMA para mapigil na ang pagnanakaw sa lugar.
- Latest