3 Abu napatay sa bakbakan
MANILA, Philippines - Napatay ang tatlong miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) habang dalawang sundalo ang nasugatan nang magpanagpo sa bulubunduking bahagi ng Tipo-Tipo, Basilan kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Col. Rolando Bautista, Commander ng Joint Task Force (JTF) Basilan, dakong alas-6:55 ng umaga ay nagsasagawa ng operation ang mga sundalo nang makasagupa ang hindi madeterminang bilang ng mga bandido sa Sitio Limbo Casa, Brgy. Magcawa.
Agad nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ang nagsanib puwersa nina Abu Sayyaf Commander Furudji Indama at Nurhassan Jamiri.
Agad nasawi ang tatlo sa mga bandido habang dalawa naman sa mga nasugatang sundalo ay mabilis na inialis sa lugar ng kanilang mga kasamahan at isinugod sa pagamutan.
Sa tala ng militar ang mga bandidong Abu Sayyaf ay sangkot sa kidnapping for ransom, ambushcades, pambobomba at pamumugot ng ulo ng mga hostages.
- Latest