PNP Chief Purisima sinuspinde ng Ombudsman sa ‘maanomalyang’ kontrata ng PNP
MANILA, Philippines - Nagpalabas ang Office of the Ombudsman ng preventive suspension laban kay Philippine National Police chief Director General Alan Purisima na may kaugnayan sa umano’y maanomalyang kontrata na pinasok ng PNP sa courier service noong 2011.
Inihayag kahapon ni Assistant Ombudsman Asryman Rafanan ang pagsuspinde ng anim na buwan kay Purisima nang walang sahod at ang kautusan ay ibinigay na sa opisina ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa kasalukuyan ay nahaharap si Purisima sa dalawang kasong plunder sa Office of the Ombudsman dahil sa tago nitong yaman.
Ginigisa rin si Purisima sa isyu ng kanyang malaking resthouse sa San Leonardo, Nueva Ecija, at kuwestyonableng renovation ng PNP chief’s official quarters sa loob ng Camp Crame.
Bukod kay Purisima, suspendido din ng 6 buwan na walang sahod at iniimbestigahan sa kasong administratibo sina Police Director Gil Meneses, dating hepe ng Civil Security Group (CSG); at mga dating opisyales na sina PNP Firearms Explosive Office, P/C Supt. Raul Petrasanta, P/C Supt. Napoleon Estilles, P/SSupt. Allan Pareno, P/SSupt. Eduardo Acierto, P/SSupt. Melchor Reyes, P/SSupt. Lenbell Fabia, P/Supt. Sonia Calixto, P/CInps. Nelson Bautista, P/SInsp. Ford Tuazon, and P/CInsp. Ricardo Zapata.
Bukod dito, ayon kay Rafanan ay suspendido din ng anim buwan sa ibang kaso kaugnay ng pagkawala ng AK-47 firearms sina: Petrasanta,
P/CSupt. Regino Catiis, Acierto,
Parreño,P/Supt. Nelson Bautista,
P/CInsp. Ricky Sumalde, Zapata, P/CInsp. Rodrigo Benedicto Sarmiento, SPO1 Eric Tan, SPO1 Randy De Sesto, at mga non-uniformed personnel Nora Pirote, Sol Bargan, Enrique Dela Cruz.
Binanggit ni Rafanan na sina Meneses at Estilles, maging si P/CSupt. Tomas Rentoy II, ay orihinal na kasama sa kaso ay tinanggal na sa listahan ng ikalawang utos ng Ombudsman dahil pawang mga retirado na.
Ayaw naman magbigay ng anumang pahayag tungkol sa isyu si PNP spokesperson Senior Supt. Wilben Mayor dahil wala pa silang natatanggap na kopya ng suspension order mula sa DILG.
- Latest