Kaanak ng nag-‘suicide’ na lover ni Mercado hiling buhayin ang kaso
MANILA, Philippines – Humiling sa mga kinauukulan ang isang kamag-anak na dating live in partner ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na muling buhayin ang kaso dahil sa paniniwala na hindi suicide ang pagkamatay ni Raquel Ambrosio.
Ayon sa isang kamag-anak ni Ambrosio na itinago sa pangalang Alicia na matagal na nilang gustong buhayin ang kaso ni Ambrosio, subalit wala silang lakas na loob noon lalo’t maimpluwensiya noon si Mercado na siyang Bise Alkalde ng Makati nang mangyari ang insidente at paniwala na posibleng maimpluwensiyahan nito ang Makati police na siyang nag-iimbestiga sa kaso at hindi umano siya naniniwala na nagbaril ito sa tiyan
Aminado si Alicia na takot pa rin naman silang lumantad ngayon lalo na’t alam nilang maimpluwensya pa rin si Mercado, na nasa kustodiya ng Department of Justice-Witness Protection Program.
Ang dapat anya na tutukan ng mga imbestigador ay kung totoo nga bang nagpakamatay si Ambrosio dahil kaduda-duda umano ang kuwento rito lalo na’t sa tiyan ang tama ng biktima.
Duda rin ang mga kaanak kung bakit pinayagan ni Mercado na linisin ng mga katulong ang crime scene bago dumating ang mga pulis at kung bakit nawala ang baril na ginamit sa krimen na dalawang araw pa matapos ang krimen ito isinurender ng isang tauhan ni Mercado sa mga pulis.
Ayon naman kay Dra. Camille Garcia, isang psychologist, kaduda-duda kung talagang nagpakamatay si Ambrosio dahil wala pa siyang narinig na nagpakamatay gamit ang baril na sa tiyan ang tama at karamihan sa mga ito ay nagbabaril sa ulo.
Una nang ipinag-utos na ni NBI Director Virgilio Mendez na halungkatin ang kaso ni Ambrosio para sa posibleng muling pagbuhay sa kaso nito matapos muli itong maungkat sa kasagsagan ng imbestigasyon sa Senado ukol sa overpriced building sa Makati kung saan si Mercado ang isa sa resource person.
Hindi rin umano mahanap sa tanggapan ng Death Investigation Division ng NBI ang naturang case folder ni Ambrosio at wala rin ito maging sa records section ng NBI.
- Latest