Paggamit ni Rep. Binay sa rape victims, ‘foul’ - Roxas
MANILA, Philippines – Tinuligsa ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas na masyadong “foul” ang parang “walang pakiramdam” na paggamit ni Makati Representative Mar-Len Abigail Binay sa mga biktima ng panggagahasa sa buong bansa dahil lamang sa motibong politikal.
Ani Roxas, ang OPLAN Lambat-Sibat ay unang hakbang lamang sa pagbaka sa kriminalidad at hindi pangkalahatang solusyon sa mga krimen.
Pero, ipinangako niya na magpapatupad ng mga estratehiya laban sa mararahas na krimen na palalaganapin niya sa ibang rehiyon.
Nilinaw ni Roxas na bumaba sa halos kalahati ang antas ng krimen tulad ng pagnanakaw at carnapping sa National Capital Region dahil sa limang buwan na matinding pagmonitor sa kriminalidad at iba’t ibang estratehiya sa pagtugis sa mga elementong kriminal.
Ngunit hindi niya sinabi na bumaba ang antas ng krimen sa buong bansa lalo ang tungkol sa kasong rape.
“Hindi tama na pinupulitika ni Cong. Binay ang krimen dahil sa likod ng bawat isang estadistika ay isang biktima at ang kanyang pamilya.” ani Roxas.
Nakiusap si Roxas kay Binay na maghain ng konstruktibong panukala para malutas ang mga kaso ng panggagahasa sa bansa sa halip na gamitin sila sa politika.
- Latest