4 tiklo sa iligal na droga
MANILA, Philippines - Nasakote ng pulisya ang apat na lalaki na hinihinalang miyembro ng isang sindikato ng iligal na droga sa ikinasang operasyon, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakilala ang mga naaresto na sina Christopher Briones, alyas “Kit/Toper”, Alvin Elorpe, Mark Deo Panoncio, at Sharvin Felecierta, kapwa mga residente ng Brgy. Punturin, ng naturang lungsod.
Ayon sa pulisya nagsagawa ng “big time operation” ang pinagsanib na puwersa ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group, Police Community Precinct 7, Station Investigation Branch at Department of Public Safety Branch sa No. 6 Kabesang Porong Street sa Brgy. Punturin, makaraang matukoy ang iligal na operasyon ng sindikato.
Hindi na nakapalag ang mga suspek nang mapalibutan ng mga pulis ang bahay na hinihinalang ginagamit na drug den sa naturang lugar. Nakumpiska buhat sa mga suspek ang tatlong pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia, at isang kalibre .38 baril na may 10 bala.
Ayon sa pulisya, ang mga suspek ang posibleng pangunahing nagpapakalat ng iligal na droga sa naturang barangay at karatig lugar sa Bulacan. Isinasailalim ngayon sa interogasyon ang mga suspek para matukoy kung sino rin ang supplier ng mga ito.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa mga suspek.
- Latest