Gobyerno nagkaloob ng P8.09-B para sa Tacloban rehab
MANILA, Philippines - Inihayag ni Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (PARR) Secretary Panfilo M. Lacson na umaabot na sa P8.09 bilyon pondo para sa iba’t ibang rehabilitation at recovery programs, mga proyekto at iba pang mga gawain ang naipagkaloob ng pamahalaan sa Tacloban City.
Mula sa kabuuang halaga, inilaan ang P3B para sa mga proyektong imprastraktura; P367.44M para sa social services; P4.01B para sa resettlement; at P714.73M para sa livelihood assistance.
Nangangahulugang umabot na sa kalahati ang P8.09B pondo sa hinihiling ng Tacloban para sa naaprobahang kabuuang funding requirement na P15.73B. Mula sa nasabing pondo, maraming proyekto ang ginagawa o natapos kabilang ang pagsasaayos ng Tacloban Base Port at Daniel Romualdez Airport na makokompleto bago matapos ang taong 2014. Inaayos na rin ang City Hall, Civic Center at Public Market na pinondohan naman ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Nagsimula na ring magpamahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pakikipagtulungan ng PARR ng tinatawag na Emergency Shelter Assistance (ESA) para sa mga naapektuhang pamilya na nawasak nang bahagya o lubusan ang kanilang mga bahay sa mga ligtas na lugar sa Tacloban City at umabot ang distribusyon ng ESA sa P315.55M.
Kabilang naman sa mga ayudang pangkabuhayan ang Cash for Building Livelihood Assets (CBLA) assistance para sa 9,725 pamilya; Department of Labor and Employment’s(DOLE) employment program para sa 1,151 benepisyaryo; at repair o pagpalit ng mga nasirang bangka para sa 547 mangingisda.
Napondohan na rin ang mga tina-target na 14,433 permanent housing units na umabot na sa P4.01B. Base sa pinakahuling datos, nasa 1,124 housing units na ang nakompleto at 5,526 pa ang nilalayong matapos sa darating na 2015.
- Latest