5 nasugatan... 2 tinedyer utas sa kagawad
MANILA, Philippines – Nasawi ang dalawang menor-de-edad na babae habang lima na iba pa ang nasugatan nang mamaril sa isang piyesta ang isang barangay kagawad sa kanyang kaalitan kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Libacao, Aklan.
Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Antolina Ricablanca,16; at Sarah Kaye Viray, 14 na pawang nagtamo ng mga tama ng bala ng shotgun sa ulo.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Gilda Nalangan, 37; Clerey Javier, 18; Jay-R Agudez, 21; Ariel Idala, 17; at Kaycee Sapatos, 14. Habang ang suspek na tumakas ay kinilalang si Brgy. Kagawad Jonathan Felix.
Batay sa ulat, bago nangyari ang pamamaril ay masayang naglalaro sa peryahan ang mga biktima nang komprontahin ni Felix si Agudez kaugnay ng alitan ng kanilang mga pamilya at pagnanakaw ng alagang kalabaw.
Habang nagtatalo ay bigla na lamang pinaputukan ni Felix si Agudez na tinamaan sa katawan at pagkatapos ay muli itong nagpaputok kung kaya’t nadamay ang mga nasabing biktima.
- Latest