Hindi raw patatahimikin... Youth group umarangkada vs. Binay
MANILA, Philippines – Kahit umano pansamantalang itinigil ang imbestigasyon ng Senado kay Vice President Jejomar Binay ay patuloy na kakalampagin ng mga grupo ng kabataan ang isyu ng korapsyon dito.
Tiniyak ng mga lider-kabataan na itutuloy nila ang kampanya para ipaliwanag sa mga mamamayan ang dahilan kung bakit hindi na dapat manungkulan sa pamahalaan ang mga tulad ni Binay.
Ayon kay Rodney Lawrence Macaraeg, Secretary General ng bagong tatag na United Philippines Against Corruption (UPAC) na obligasyon nila bilang mga kabataan na tiyakin ang magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon at mangangampanya sa buong bansa para ilantad ang maling gawain ng ilang lider sa gobyerno.
Una anya sa kanilang listahan ay si Binay na itinuring nila umanong ‘poster boy’ ng korupsyon sa bansa sa ngayon.
Bukod sa UPAC ay sumama rin sa isinagawang forum na may temang “Ako ay Responsableng Pilipino, Ayoko sa Corrupt na inilunsad sa Our Lady of Remedios Parish Training Center ng Malate Church sa Maynila.
Kasama ni Macaraeg sa nasabing pulong ang mga kinatawan ng Supreme Student Council ng Pamantasan ng Lunsod ng Maynila (PLM), CAS Student Council, Aduana Business Club, KAMPI, Social and Cultural Development Advocators of the Philippines at Our Lady of Remedies Parish.
Naging pangunahing tagapagsalita sa forum sina Atty. Renato Bondal ng United Makati Against Corruption at Atty. Levi Baligod ng Active Citizenry and Integrity of Public Service.
Ayon pa kay Macaraeg na magsasagawa sila ng kahalintulad na forum sa lahat ng panig ng bansa mula ngayong Nobyembre hanggang sa susunod na taon para maimulat ang mga Pilipino sa masamang epekto ng korupsyon sa kabuhayan ng mamamayan.
- Latest