2 anak ni Napoles binasahan ng kaso sa pork barrel scam
MANILA, Philippines – Ang Sandiganbayan na lang ang nagpasok ng not guilty plea sa dalawang anak ni Janet Lim Napoles nang basahan ito ng kasong graft kaugnay ng pork barrel scam.
Hindi nagpasok ng plea ang mga anak ni Napoles na sina Jo Christine at James Christopher nang ito ay basahan ng sakdal sa kasong 15 counts ng graft na isinampa sa kanila ng tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan 3rd division kaugnay ng pork scam.
Ang dalawang batang Napoles ay nakasuhan dahil sa mga testimonya na sinabi laban sa mga ito ng whistleblowers na sina Benhur Luy, Merlina Suñas at Marina Sula.
Ang naturang kaso ay una nang itinatanggi ng mga batang Napoles at nagsabi na kulang sa merito ang naisampang kaso sa kanila ng Ombudsman.
Nasangkot sa kaso ang dalawang batang Napoles nang sabihin ng naturang mga witnesses na isa sila sa nakinabang sa PDAF ng mga mambabatas na idinaan sa pekeng NGO ng kanilang ina.
Bukod sa mga batang Napoles ay tumanggi ding magpasok ng plea ang iba pang akusado sa kaso na sina Mario Relampagos, Rosario Nuñez, Lalaine Paule at Marilou Bare samantalang nagpasok ng not guilty plea ang iba pang akusado sa kaso na sina Laarni Uy, Rodrigo Galay at Hernani Ditchon.
- Latest