Death threat ni Cayetano pakulo lang - UNA
MANILA, Philippines - Minaliit ng United Nationalist Alliance (UNA) ang napaulat na death threat na natanggap ni Senador Alan Peter Cayetano kamakalawa at tinawag na bahagi lamang ito ng “telenovela” kaugnay ng imbestigasyon ng Makati City Hall Building II.
Sinabi ni UNA interim president Toby Tiangco, nawawala na ang interes ng publiko sa imbestigasyon kaya kinakailangan maglagay ang kampo ni Cayetano ng palabok o pakulo.
Naniniwala rin ang UNA na hindi papayag ang Senate Blue Ribbon sub-committee na mahinto ang pagdinig kahit pa pinuna na ni Pangulong Benigno Aquino ang diumano’y ang hindi matapos-tapos na hearing.
Inihayag pa ni Tiangco na ilang senador ang frustrated telenovela script writers kaya lumabas ang istorya tungkol sa death threats.
“Sen. Alan Peter Cayetano talks about receiving a death threat. Lumang istorya na yan. What will he say next? That he got a love letter from me or that I was proposing a romantic relationship to him?” ani Tiangco.
Idinagdag pa ni Tiangco na ang “script” na nais umanong ilako nina Cayetano at Sen. Antonio Trillanes IV na mula sa isang “catch-all fantasy drama” ay nauuwi na ngayon sa isang “action-oriented Wild West plot”.
Iniulat ng tanggapan ni Cayetano na may natanggap silang tawag sa telepono kamakalawa kung saan sinabi umano ng caller na isang bala lamang ang senador.
Pinuna rin ni Tiangco ang naging pahayag ni Trillanes na ipapapatay o ipakukulong siya ni Vice President Jejomar Binay kapag naging Pangulo ito ng bansa.
- Latest