Trip mamaril, 2 napatay
MANILA, Philippines – Dalawang katao ang magkasunod na binaril at napatay ng isang lalaki kahapon sa Quezon City.
Ang dalawang biktima ay kinilalang sina Brioso Toqueron, 28, alyas Gasper; branch manager ng Saloon de Luxe sa North Olympus; at Norberto Espiritu, taxi driver ng John Mathew Taxi (UVA-542).
Batay sa ulat, dakong alas-12:20 ng tanghali ay pumasok ang suspek sa parlor ni Toqueron na matatagpuan sa kahabaan ng Quirino Highway sa Brgy. Greater Lagro at nagpalinis ng kuko.
Matapos ang paglilinis ay dumating si Toqueron at walang sabi-sabing binaril ito sa ulo at mabilis na sumakay ng isang pampasaherong bus.
Pagsapit sa Brgy. Pasong Putik ay bumaba ang suspek at tinangkang sumakay sa taxi ni Espiritu, subalit, hindi umano ito pinasakay kung kaya’t binaril din ito.
Muling sumakay ng isang pampasaherong bus ang suspek at tinutukan nito ng baril ang driver saka kinuha ang uniporme, bago bumaba sa Regalado Avenue at tumakas.
- Latest