2 parak, 2 pa tiklosa holdap
MANILA, Philippines - Kalaboso ang apat na kalalakihan kabilang ang dalawang bagitong pulis nang holdapin umano ng mga ito ang isang messenger na may dalang P1.2 million cash na nakatakdang i-deposit ng huli sa isang bangko kahapon sa Pasay City.
Naghihimas ng rehas ngayon sa Pasay City Police detention cell ang mga suspek na sina P01 Ronald Villanueva, 33, ng Block 16 Lot 7 Croatia St., Chera Nevada Subdivision, Cavite City; P01 Alas Noli Tiu Soliman, 33, residente sa Valenzuela City, kapwa nakatalaga ang mga ito sa Central Park Police Community Precinct (PCP) 5 ng Pasay City Police; Limuel Camposagrado, 28 at Alexander Pantoja, 32, binata, parehong naninirahan sa Sitio Ilang Barangay San Francisco, General Trias, Cavite, habang pinaghahanap ng otoridad ang isa pang nakatakas na suspek na si P02 John Mark Manguera.
Kinilala naman ang biktima na si Jeffrey Rabe, 24, messenger ng Senubi Travel and Tour Company.
Sa report ng Southern Police District, naganap ang insidente alas- 4:30 kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Macapagal Boulevard, panulukan ng Gil Puyat Avenue (dating Buendia Extension) kung saan sakay si Rabe ng kanyang motorsiklo dala ang P1,002,931.00 para ideposito sa bangko ng biglang harangin ng dalawang suspek na magkaangkas na agad siyang tinutukan at tangayin ang nasabing halaga.
Naglakas-loob si Rabe na habulin ang mga suspek sa tulong ni PO2 Marlon Manlapaz, ng Manila Police District, ngunit bigong maabutan.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis naaresto sina Camposagrado at Pantoja sa kanilang bahay dakong alas-5:30 ng hapon at nakumpiska ang isang .9mm na baril at ng beripikahin ay nadiskubreng ito ay pag-aari ni PO1 Villanueva. Inginuso na rin ng mga ito sina Villanueva, Soliman at Manguera.
Sa patuloy na follow up operation nakumpiska ng mga pulis kay Villanueva ang P349,000. Nakatakdang sampahan ng kasong robbery at paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of fire arms ang naturang mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.
- Latest