Ex-tserman, mag-ama nabistay ng bala
MANILA, Philippines – Tadtad ng mga tama ng bala ang isang dating barangay chairman at isang mag-ama sa naganap na ambush kahapon sa Tondo, Maynila.
Namatay noon din dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Ely Saluib, 65, dating barangay chairman na ngayon ay meat trader at residente ng no. 088 Area D, Gate 12, Parola, Compound, Tondo, Maynila.
Habang ang isang mag-ama na namatay habang dinadala sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center nang tamaan ng mga ligaw na bala ay kinilalang sina Engie Surigao, 39 at anak nitong si Akisha, 9, kapwa residente ng no. 500 Area C, Gate 21, Parola, Binondo, Maynila.
Batay sa ulat, alas-12:30 ng tanghali nang makita ng ilang saksi na hinahabol si Saluib na nakasakay ng motorsiklo ng dalawang suspek at nang maabutan ay pinagbabaril ito sa gitna maraming tao.
Nagkataon na ibinababa naman ni Engie mula sa ipinapasadang tricycle ang anak na si Akisha na sinundo mula sa eskwelahan nang umulan ng bala at minalas silang tinamaan.
Patuloy ang imbestigasyon ng motibo kung ito ay tungkol sa pagiging negosyante ng baboy o nakaaway nito sa pulitika noong ito ay barangay chairman pa noong taong 2002 hanggang taong 2006.
- Latest