Subic Customs pinarangalan sa napigilang P5-M smuggling
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines – Pinarangalan ng Bureau of Customs ang isang opisyal at mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Subic dahil sa pagpigil nito sa tangkang pagpuslit palabas ng Subic Freeport ng mga imported item na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Pinarangalan noong Oktubre 27 sina Manolo Arevalo, OIC- Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-ID) at mga tauhan na sina Intelligence Agent Teodorico Tobias, Special Agents Reycristo Ruanto, Jr. at Ruperto Sulit, Jr.
Ayon kay BoC District Collector Port of Subic Gen. Arnulfo Marcos (ret.) na dahil sa mabusising pagsisiyasat at napigil ng mga nasabing customs officials ang tangkang pagpuslit ng 7,200 kahon ng ceramic tiles na nagkakahalaga ng P3 milyon palabas ng Subic na nakapaloob sa isang 20-footer container van na may palsipikadong dokumento.
Sa hiwalay na insidente, nakumpiska naman ng Enforcement and Security Service ng BoC sa Port of Subic sa pangunguna ng hepe nito na si Lt. Paul Oandasan ang mahigit 7,000 kahon ng Bavaria Premium Beer na nagkakahalaga ng P2.8-million sa Olongapo City.
Ang mga beer ay ipinuslit palabas ng Subic Freeport nang walang binayarang buwis sa pamahalaan.
- Latest