Bunso ni Binay dinamay sa Senado
MANILA, Philippines - Sobra na po, sobra na!
Ito ang sigaw kahapon ni Vice President Jejomar Binay matapos na pati ang kanyang bunsong anak na babae ay kaladkarin sa kontrobersya at idamay ng Senado upang tuluyang pabagsakin ang imahe ng Bise Presidente.
Ayon kay Binay, bukod sa matinding paninira sa kanya ng mga kalaban sa pulitika, “foul” nang idamay pa ang kanyang pamilya at kanyang bunsong anak ay kinakaladkad na sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub committee.
Nabatid na iprinisinta ni Senador Alan Peter Cayetano noong Huwebes sa pagdinig ng Senado ang mga larawan na naka-post sa Instagram ng bunsong anak ni Binay na nagpapakita na nasa loob siya ng Batangas estate na pag-aari ng Sunchamp.
Sinabi ni Binay na taliwas sa paratang ni Cayetano, ang mga kuhang larawan sa naturang property ay hindi isang pruweba o ebidensya na pagmamay-ari ng pamilya Binay ang nasabing lugar.
Binanatan din ni Binay ang hindi pagsunod sa protocol ng Senate sub committee nang hindi nila pahintulutan sina United Nationalist Alliance (UNA) Interim Secretary General JV Bautista at UNA Interim President Tobias Tiangco na makadalo sa pagdinig.
Sinabi ni Binay na binastos ng Senado ang mga UNA officials na halatang may pinapanigan ang Senado.
“Wala nang respeto sa protocol. Si Cong. Toby Tiangco pinaalis at balita ko binitbit pa palabas,” dagdag ni Binay.
Hindi rin niya pinalampas ang aksyon ni Cayetano na hindi na sumusunod sa protocol.
Umapela rin ang Bise Presidente sa mga miyembro ng sub committee na itaas ang pamantayan ng pulitika at itigil na ang maruming pamumulitika.
- Latest