10,000 katao napatay sa loob ng 7 buwan
MANILA, Philippines - Ikinagulat ni Senator Miriam Defensor Santiago ang ulat na umabot sa 10,000 katao ang pinatay sa loob lamang ng 7 buwan.
Kaya naghain ito ng Senate Resolution 964 na mag-iimbestiga kung bakit ganun karami ang kasong homicide at murder mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan.
Iginiit ni Santiago na sa Article 2, Section 5 ng Konstitusyon, nakasaad na katungkulan ng gobyerno na panatilihin ang “peace and order” at proteksiyunan ang buhay, liberty, at property ng mga mamamayan.
Magugunita na inihayag kamakailan ni dating PNP Spokesman, Chief Supt. Reuben Theodore Sindac na tumaas ang kaso ng murder at homicide dahil sa mas komprehensibong crime reporting at hindi dahil sa “killing frenzy”.
Ayon pa sa ulat, sa mga nakaraang taon, iniuulat lamang ng mga police commanders ang mga kaso ng murder at homicide na naresolba ng pulisya kaya lumalabas na mababa ang crime rate noon.
Idinagdag ni Santiago na dapat palakasin pa ng Kongreso ang mga kasalukuyang batas upang mapababa ang bilang ng murder at homicide cases sa bansa at matiyak na “accurate” ang pagre-report ng mga krimen.
- Latest