3 timbog sa pekeng pera
MANILA, Philippines - Timbog ang tatlong miyembro ng sindikato na gumagawa ng pekeng pera matapos ang pagsalakay sa kanilang lungga sa Sta. Cruz, Laguna kamakalawa ng gabi.
Nadakip ang mga suspek na sina Bhong Soliman, 28, may-asawa ng Sta. Cruz, Manila; Cyruz Soliman, 34, at Kim Infante, 27, pawang mga residente sa Brgy. Commonwealth Quezon City, sa room 17 ng Asian Travellers Hotel dakong alas-10:00 ng gabi.
Unang naireport ng kawani ng nasabing hotel ang umano’y pot session sa kuwarto ng mga suspek kaya naman agad na sinugod at pinasok ito ng pulisya at naaktuhan na nadodroga ang mga suspek.
Mula dito ay nasamsam sa mga suspek ang 23 piraso ng pekeng P500 bills; 20 piraso ng pekeng P1,000 bills; isang piraso ng pekeng US dollar bill; mga paraphernalia sa paggawa ng pekeng pera at ilang sachet ng shabu at drug paraphernalia.
Naibebenta umano ng mga suspek ng P400 ang isang piraso ng pekeng P1,000 habang P200 ang benta sa kada piraso ng pekeng P500. Ang mga suspek ay mga bagong miyembro ng Bryan gang na nag-ooperate sa probinsya ng Laguna para sa pekeng pera.
Kakasuhan ang tatlo ng paglabag sa Article 166 ng Revised Penal Code o forgery of treasury bills and bank notes.
- Latest