VP Binay hinamon si Trillanes ng debate
MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Jejomar Binay kay Senador Antonio Trillanes na huwag magtago sa kanyang “parliamentary immunity” at magdebate na lang sila.
Ang paghahamon ni Binay ay kasunod ng tahasang pagbanat ni Trillanes na takot umano siya na humarap sa pagdinig sa Senado at hindi kayang sagutin ang mga akusasyong ibinabato sa kanya kaugnay sa isyu ng umano’y overpriced Makati City Hall Building 2 at ang 350 hektaryang Hacienda Binay sa Rosario, Batangas.
Inihayag ni Binay ang kanyang hamon kay Trillanes sa ginanap na open forum ng mga miyembro ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) matapos ang paglalagda ng isang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Home Development Mutual Fund (PagIBIG) at KBP noong Martes ng gabi.
Handa umano si Binay na makipag-debate kay Trillanes sa labas ng Senado, anumang oras at anumang lugar.
Binigyang-diin ni Binay na ang mga senador na nagsasagawa ng pagdinig ay hinusgahan na siya at kanyang pamilya na nagnakaw sa kaban ng bayan.
Lumagpas na din aniya ang komite sa sinasabing “in aid of legislation”.
- Latest