Bangkay sa jeep inihagis
MANILA, Philippines - Burdado ng saksak ang katawan ng isang kelot na inihulog mula sa isang pampasaherong dyip ng tatlong hindi pa kilalang mga lalaki, sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Pilit na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktimang tinatayang nasa edad 25-27, may taas 5’3-5’5, nakasuot ng itim na t-shirt at gray na shortpants, na nagtamo ng 50 tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siyang ikinasawi nito.
Sa report ng Manila Police District-Homicide Section, sa nakitang footage sa closed circuit television (CCTV) ng Barangay 428 Zone 43, District 4, Sta. Mesa, Maynila, dakong alas-3:12 ng madaling araw nang makita ang isang pampasaherong jeep na mabagal ang pag-usad sa panulukan ng Alegria St., Sta. Mesa, at pagtapat sa bahay na may address 1966 at 1967 ay inihulog ng hindi bababa sa 3 lalaki ang isang bangkay na nababalot sa asul na kurtina na agad naman inireport sa otoridad ng mga taong nakakita dito.
Tiniyak naman ng MPD-Homicide Section na may mga detalye ang nasabing jeep na nahagip ng CCTV na siyang pakay sa follow-up operation upang matunton ang mga suspek. Dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral Services para sa awtopsiya at safekeeping.
- Latest