AFP Medical Center Chief, sinibak
MANILA, Philippines - Tinanggal kahapon sa kanyang puwesto si AFP Medical Center Commander Brig. Gen. Normando Sta. Ana dahilan sa umano’y anomalya sa pagbili ng P80 milyon halaga ng medical supplies na hindi dumaan sa lehitimong proseso.
Sinabi ni Lt. Col. Harold Cabunoc, Chief ng AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) na hindi umano dumaan sa normal na proseso ng bidding ang pagbili ng mga gamot at kagamitan na nagkakahalaga ng P80 M para sa AFP Medical Center sa ilalim ng pamumuno ni Sta. Ana.
Pansamantala namang ipinalit para humalili kay Sta. Ana si Col. Benedicto Jovellanos, Deputy Chief ng AFPMC.
Bukod kay Sta. Ana, iniimbestigahan din ang tatlo pang mga opisyal na tinukoy ni Cabunoc na sina Lieutenant Colonel Ritchie Capulong, Special Disbursing Officer, Major Neil Bugarin, Chief of Management and Fiscal Office at Colonel Rogelio del Rosario, Acting Assistant Chief of Staff for Logistics.
Nabatid na isang Renato Villafuerte ang nagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman laban sa mga nasabing military officials.
- Latest