8 luxury cars ni Trillanes wala sa SALN
MANILA, Philippines - Pagkalipas ng 11 taon ng unang tinalakay sa hearing ng Feliciano Commission sa nabigong Oakwood mutiny ay bigo pa rin umano si Senador Antonio Trillanes na isama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth ang mga mamahalin niyang sasakyan noong nasa militar pa siya.
Ito ang isiniwalat ni United Nationalist Alliance Interim Secretary General Atty. JV Bautista at pinagtataka kung paano nagkaroon si Trillanes ng dalawang Sports Utility Vehicles (SUVs), limang van at isang malaking motorsiklo na hindi kasama sa SALN noong isa pa itong Navy lieutenant second grade.
Ayon kay Bautista, ang isang junior officer na nasa ranggong tulad ng kay Trillanes nang panahong iyon ay sumasahod lang ng P22,000.
Batay sa rekord ng Land Transportation Office (LTO) na isinumite sa Feliciano Commission hearings noong 2003, si Trillanes ang rehistradong may-ari ng isang Nissan Terrano model 1996 (UJW-717), Mitsubishi Pajero model 2000 (RIZ-222), limang Mitsubishi Delica van na may mga plaka na (XBD-542, XCZ-552, XBF-574, XBY-183 at WLU-445) at Kawasaki motorcycle, model 1995 na may plakang (PH-6949).
“Paano siya nakabili ng mamahaling mga sasakyang ito sa sahod lang niya bilang isang junior officer? Mukhang mahilig si Trillanes sa mamahaling sasakyan bukod sa pagkahumaling niya sa mamahaling hotel na paborito niyang sakupin,” sabi pa ni Bautista.
“Kung sinasabi niya na laban sa katiwalian ang kanyang krusada, dapat siyang magsimula sa kanyang sarili na nagmamay-ari ng walong mamahaling sasakyan.” wika ni Bautista.
“Mahirap ang nagmamalinis. Kung anu-ano ang sinasabi laban kay Vice President Binay yun pala sya ang may nilabag na batas at may malaking itinatago,” wika ni Bautista.
Magugunita na kamakailan ay hinamon ni Bautista si Trillanes na magpa-lifestyle check para sa layunin ng transparency at kapakanan ng interes ng publiko.
Agad namang pinabulaanan ni Trillanes ang akusasyon ng UNA na umano ay isang desperadong hakbang upang mailihis ang isyu mula sa mga kaso ng korupsiyon na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee kung saan siya miyembro.
- Latest