Prayer meeting binomba: 3 utas
MANILA, Philippines - Tatlong katao ang nasawi habang dalawa ang nasugatan matapos na bombahin ang mga nagsasagawa ng midweek prayer meeting sa isang simbahan kamakalawa ng gabi sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Felomina Ferolin, 54, head nurse ng Pagalungan Health Office; Gina Cabilona, 39, guro at Virginia Manolid, 63.
Nasugatan naman sina Jeremias Dandan, 60 at Jerome Dandan, 28; pawang negosyante ng Brgy. Poblacion, Pikit, Cotabato.
Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng gabi habang nagsasagawa ng prayer meeting ang isang Pastor Jerry Sanchez sa loob ng United Church for Christ in the Philippines (UCCP) na matatagpuan sa Vidal Cabanog Street, Brgy. Poblacion nang dumating ang motorcycle riding in tandem.
Bumaba ang sakay ng motorsiklo na armado ng M79 grenade launcher at tumayo sa pintuan ng simbahan at ipinutok ang dalang armas at mabilis na tumakas.
Nasapol ang mga nasawi dahil sa malapit ito sa pinagsabugan.
Nabatid pa na aabot sa 30 katao ang dumadalo sa prayer meeting nang mangyari ang pagpapasabog.
Hindi pa tukoy ng mga otoridad kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog.
- Latest
- Trending