Grade III pupil tepok sa suntok ng kaklase
MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 9-anyos na batang lalaki na grade 3 pupil matapos masuntok ng kanyang kaklase na 10-anyos naganap kamakalawa sa loob ng eskwelahan sa Bantayan.Cebu.
Ang nasawi ay kinilalang si Jiel Chris Desamparado, na nagtamo ng apat na suntok sa batok mula sa suspek na itinago sa pangalang Mark.
Sa ulat ni Sr. Inspector Jaime Santillan, hepe ng Bantayan Police, dakong alas-12:00 ng tanghali habang lunch break ng mga estudyante sa Vito Elementary School sa Brgy. Kangkaibe ay tinukso ng suspek ang biktima.
Napikon ang biktima kaya’t sinuntok nito ang suspek.
Nagalit ang suspek at gumanti ito at pinagsusuntok ng apat na beses sa batok ang biktima na biglang nanghina at bumagsak.
Inireport ng mga mag-aaral sa kanilang mga guro na agad dinaluhan si Desamparado na dumaraing nang paninikip ng paghinga hanggang nawalan ito ng malay tao.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival.
Ayon sa mga doktor ay lubhang delikado ang suntok sa batok lalo na kapag tinamaan ang sensitibong ugat ay maari itong ikamatay ng sinumang indibidwal.
Ang suspek ay itinurn-over na sa lokal na DSWD.
- Latest