3 miyembro ng pamilya sa Basilan, sinunog
MANILA, Philippines – Pinatay muna bago sinunog ang bangkay ng tatlong miyembro ng isang pamilya na naganap sa Isabela City, Basilan.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Rotillo Gonzaga, 57; misis nitong si Lucia Gonzaga, 47; at anak nilang si Virgilio Gonzaga, 11.
Sa ulat ni Basilan Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Mario Dapilloza, dakong alas-3:15 ng hapon kamakalawa nang madiskubre ang halos nagmistulang uling na bangkay ng mga biktima sa bahay ng mga ito sa Campo Barn, Kapayawan ng nasabing lungsod.
Ang insidente ay ini-report sa mga otoridad ni Rodel Ariola, 30, may-ari ng lupang tinitirhan ng mga biktima na kaniyang katiwala.
Hinala ng pulisya na dalawa hanggang tatlong katao ang mga salarin at sinadyang sunugin ang bahay ng pamilya Gonzaga upang itago ang krimen.
Lumalabas sa imbestigasyon, bago ang insidente ay nagtungo pa sa kanilang barangay ang mag-asawa na ini-report ang sigalot sa lupain sa pagitan ng mga ito at ng kanilang kaaway na hindi muna tinukoy habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Ang alitan sa lupa ang sinisilip na motibo ng pagpatay sa pamilya.
- Latest