2 patay sa insidente ng akyat-bahay
MANILA, Philippines - Dalawang katao ang nasawi at dalawa rin ang nasugatan sa insidente ng akyat-bahay kahapon ng umaga sa Don Manuel St., Sto. Domingo, Quezon City.
Kinilala ang nasawing barangay tanod na si Salvador Nagtalon, 63, miyembro ng Barangay Public Safety Officer ng Brgy. Sto. Domingo sa lungsod at ang suspek na miyembro ng akyat bahay na inilarawan sa pagitan ng edad 20-35, may taas na 5’7”, at may kapayatan ang pangangatawan.
Nasugatan naman ang mga tanod na sina Ambrocio Dalangin at Tercy Parocho na ginagamot ngayon sa Jose Reyes Memorial Hospital.
Habang nadakip naman ang isang suspek na kinilalang si Freddie Rey, 29.
Sa salaysay ng biktimang si Yu Siue Suy, 83, dakong alas-5:45 ng umaga habang siya ay nagwawalis sa garahe ng Southern Fragrance Temple na matatagpuan sa no. 169 Don Manuel Agregado St., Brgy. Sto.Domingo nang pwersahan silang pasukin ng tatlong suspek at itinali at binusalan siya at ang misis niyang si Adoracion Tan, 71 at anak na si Patricia Anne Yu, 31.
Matapos limasin ang ilang gadget at pera ng mag-anak, naghugas pa anya ng paa sa banyo ang isa sa mga suspek na pawang armado ng baril.
Doon na nakakuha ng pagkakataon ang pamilya para makatawag ng mga barangay tanod na agad namang nakaresponde.
Napatay sa ikalawang palapag ng bahay ang tanod na si Nagtalon habang sugatan ang dalawa niyang kasama nang sila ay pagbabarilin ng mga suspek.
Nagkahabulan naman ang mga rumespondeng pulis at mga suspek at napatay ang isa sa mga akyat-bahay nang makorner sa banyo nang isang pinagtaguang bahay sa bahagi na ng Maria Clara Street na pag-aari pala ng isang pulis.
Arestado naman ang isa pang suspek sa La Loma habang nakatakas ang isa pa.
Patuloy ang imbestigasyon at hinala ng mga biktima na kasabwat ang isa sa kanilang tauhan ng mga suspek.
- Latest