Utol pinagalitan ng kuya, nag-suicide
MANILA, Philippines - Marahil ay hindi matanggap ng isang lalaki ang pagsaway sa kanya ng nakakatandang kapatid nang pagalitan siya nito kung bakit pinayagan na uminom ng alak ang dalawang nakakabatang kapatid sa isang birthday party kaya’t nagsaksak sa sarili kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Ang biktima na nasawi sa pagamutan dahil sa saksak sa dibdib ay kinilalang si Richard Argulla, 23, ng C. Molina St., Veinte Reales, ng naturang lungsod.
Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-8:45 ng gabi ay umuwing lasing ang biktima kasama ang dalawang nakakabatang kapatid galing sa isang birthday party.
Sinita ng nakakatandang kapatid na si Rodi ang biktima at pinagalitan dahil sa pangungunsinti sa dalawang nakakabatang kapatid sa pag-inom ng alak.
Pumasok sa kanyang kuwarto ang biktima at nang lumabas ay may bitbit na umanong patalim.
Naawat ito ng live-in partner nito na si Rubelyn Eleuterio at muling pumasok sa kanilang kuwarto at doon ay patuloy ang pagwawala hanggang sa saksakin ang sarili.
Isinugod sa pagamutan ang biktima ng mga kaanak, ngunit nalagutan rin ito ng hininga.
- Latest