Paglaya ng grupo ni Cedric iaapela ni Vhong
MANILA, Philippines - Kaugnay ng pag-apruba ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) sa hirit nina Cedric Lee, Deniece Cornejo at Simeon Raz na makapagpiyansa sa kasong serious illegal detention ay maghahain ng motion for reconsideration ang kampo ng TV host at actor na si Vhong Navarro.
Ayon kay Atty. Alma Mallonga, legal counsel ni Navarro, labis nilang ipinagtaka ang desisyon ng Taguig RTC dahil alam nilang matibay ang mga inilatag nilang ebidensya laban sa mga akusado.
“Hindi ko lang maintindihan kung paanong sasabihin na walang serious illegal detention...The illegal detention was qualified by threat to kill at saka ‘yung serious physical injury at saka ‘yung ransom so hindi ko alam kung sinasabi ng korte ay walang illegal detention o hindi na-prove ‘yung qualification. Lahat naman nakakita sa CCTV, nakatali siya ng duct tape, paano sasabihin walang basehan?”-pahayag ni Mallonga.
Maghahain din ang prosekusyon ng urgent motion for inhibition dahil nawala na umano ang kumpyansa ng prosecution panel sa kakayahan ng hukom na magiging patas sa paglutas ng kaso ni Judge Paz Esperanza Cortes ng Taguig RTC Branch 271.
Samantala, nakalaya na kahapon sina Lee at Raz nang ito ay makapaglagak ng kanilang piyansa na P500,000.
Habang si Cornejo ay kasalukuyan pang inaayos ang mga dokumento para sa pansamantalang paglaya nito.
Pinangangambahan namang makalabas ng bansa sina Lee, Cornejo at Raz dahil walang hold departure order (HDO) laban sa mga ito.-Doris Franche-Borja, Lordeth Bonilla, Mer Layson
- Latest