Obrero nilamon ng makina
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines – Umakyat na sa 38 ang bilang ng namamatay sa loob ng Hanjin Shipyard, makaraang masawi noong Huwebes ang ika-38 manggagawa nang aksidenteng maipit ng makinang gamit nito.
Ang nasawi ay kinilalang si Jerwein Lopera Labaja, 23, binata.
Ang aksidente ay inihayag ng mga kasapi ng Samahan ng mga Manggagawa sa Hanjin Shipyard, na humiling na huwag banggitin ang kanilang mga pangalan sa takot na sila ay tanggalin sa trabaho ng pamunuan ng Hanjin Heavy Industries Corporation-Philippines.
Binanggit din na ang aksidente ay ipinagbigay-alam na sa tanggapan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Department of Labor (DoLE), subalit wala pa rin umanong inilalabas na resulta ang dalawang ahensya.
Nais ng grupo na papanagutin ang Hanjin upang maipatupad ang mga hakbangin para sa isang ligtas at malusog na paggawa.
Sinabi pa ng mga manggagawa na ang Hanjin ay naging sentro ng imbestigasyon ng Senado noon, ngunit sa kabila nito ang mala-higanteng kompanya ay hindi ito nakapagpatayo ng hospital sa loob ng shipyard na taliwas sa rekomendasyon ng Senado.
Si Labaja ay tanging bumubuhay sa pitong kapatid na naulila.
- Latest