Kontratista ng makati parking building paiimbestigahan sa BIR
MANILA, Philippines - Kaugnay sa mga umano’y tongpats na kinita sa bilyun-bilyong halaga ng proyekto sa Makati City partikular ang kontrobersiyal na Makati Parking Building na umabot sa P2.7-billion ang pondong inilaan ng Makati City Government ay hiniling ng mga miyembro ng United Makati Against Corruption (UMAC) na busisiin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga dokumentong isinusumite ng paboritong kontratista ni Vice President Jejomar Binay ang Hillmarc’s Construction Corporation upang malaman kung nagbabayad ito ng tamang buwis.
Inilahad ng UMAC ang kanilang kahilingan sa sulat na ipinaabot sa opisina ni BIR Commissioner Kim Henares habang nagrarali ang mga miyembro ng grupo sa main office ng BIR sa Quezon City.
Pirmado ang nasabing sulat ni Atty. Renato Bondal, convenor ng UMAC at isa sa mga residente ng Makati na nagsampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban kay Vice President Binay, Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay at ibang opisyales ng Makati kaugnay ng overpricing sa Makati Parking Building.
Ayon kay Jasper Cuayzon ng UMAC-Youth na malinaw sa imbestigasyon ng Senado na pinatungan ng malaking halaga ang kontrata sa Makati Parking Building at inamin mismo ni Mayor Junjun Binay na posibleng may overpricing kaya’t kailangang malaman ng BIR kung idineklara ng Hillmarc’s ang tongpats na ito sa kanilang tubo at kung nagbayad sila ng kaukulang buwis.
Magugunita sa mga nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee ay inamin ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na kumita si VP Binay ng malaking halaga mula sa tong-pats ng kontrobersiyal na Makati Parking Building kaya’t nasabi nito ang katagang “Kung ang Vice Mayor ay nakinabang, lalo na po ang Mayor. Imposibleng hindi nakinabang ang Mayor”.
- Latest