6 pulis-Las Piñas sibak sa hulidap
MANILA, Philippines - Pagkatapos ng EDSA hulidap na kung saan ay sangkot ang mga pulis-QC ay isa na namang kaparehong kaso ng hulidap ang naganap sa Las Piñas City nang magreklamo ang isang obrero laban sa anim na pulis sa lungsod.
Ang mga pulis na sinibak sa puwesto ay kinilalang sina SPO4 John Miranda; SPO2 Jerry Fernandez; SPO2 Jay De Guzman; PO3 Gil Anos; PO3 Hernan Pua at isang SPO1 Sabbon, nakatalaga sa Anti-Crime, Follow-up Unit ng Las Piñas City Police na nakatakdang sampahan ng kasong administratibo.
Ang biktimang si Dario ay personal na nagreklamo sa tanggapan ng National Press Club (NPC) kamakalawa at isinalaysay ang ginawang paghuli at paghingi sa kanya ng mga pulis.
Ayon kay Dario, noong Agosto 29 habang gumagawa siya ng bahay ng isang kaibigan sa naturang lugar ay dumating ang anim na pulis at hinahanap umano ng mga ito ang isang “alias Malou”.
Nang hindi mahanap ng mga pulis si Malou, ay siya ang hinuli at dinala ito sa presinto malapit sa Las Piñas City Hall.
Dito ay tinakot umano siya ng mga pulis at pilit na tinatanong kung nasaan si Malou at sinabi nito na hindi niya kilala.
Hiningan umano ng naturang mga pulis si Dario ng P75,000 at dahil wala siyang pera ay tinawagan niya ang ang kapatid na si Dominador upang hingan ng tulong.
Ilang araw ding nakulong si Dario at dahil walang mapiga ay pinalaya siya at tinakot.
Muling naulit noong Setyembre 3 ang ginawa ng mga pulis kay Dario sabay aresto at kinausap na magbigay ito ng halagang P50,000.00.
Dahil sa walang pera na maibigay ng ganung halaga ay pinalaya siya noong Setyembre 5 at tinakot at pinagbantaan na huwag magrereklamo.
- Latest