Gov. Remulla: Lutuan ng bidding sa Makati talamak
MANILA, Philippines - Mistulang inamin ng tagapagsalita ni Vice President Jejomar Binay na si Cavite Governor Jonvic Remulla na talamak ang lutuan ng bidding sa mga tipo ng korupsyon sa Makati noong panahon na alkalde pa ng lungsod ang Bise Presidente.
Ito ang inihayag ni Atty. Renato Bondal, convenor ng United Makati Against Corruption, bilang reaksyon sa mga statement ni Remulla sa triumvirate of corruption sa Makati na ipinahayag nito at nalathala sa mga pangunahing pahayagan kamakailan.
Ayon umano sa pahayag ni Remulla sa mga pahayagan na alam ng grupo ni Binay ang nangyayaring katiwalian sa Makati lalo na ang lutuan ng bidding para sa mga bilyon-bilyong halaga ng proyekto tulad ng kontrobersyal na Parking Building.
Walang umanong magawa si VP Binay para pigilan ang korupsyon sa Makati dahil hindi niya kakampi ang administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang panahon na iyon.
“May de-facto Mayor sa Makati noon at ito ang nagpapatakbo ng siyudad, hindi si Vice President Binay,” paliwanag ni Remulla.
Subalit, sinabi ni Bondal, imposibleng lumaganap ang korupsyon sa Makati nang walang go-signal ni VP Binay dahil takot umano mula Vice Mayor hanggang sa janitor ang mga ito kay VP Binay.
Idinagdag pa ni Bondal na nagpapalusot lang ang kampo ni Binay dahil durog na ang lahat ng depensa nila sa isyu ng Parking Building at naghahanap na ito ng sisisihin para makaligtas sa plunder case na isinampa nila laban kay VP Binay, Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay at ibang opisyales ng Makati kaugnay ng overpricing sa Parking Building.
Sinabi rin ni Bondal na napilitan lamang na aminin ni Remulla ang talamak na korupsyon sa Makati matapos na maglabasan ang ilang testigo na humarap sa Senate Blue Ribbon Committee para ilantad ang mga katiwalian sa siyudad.
Noong nakaraang Huwebes ay inamin ni Engr. Mario Hechanova, dating General Services Officer hanggang maappoint na Vice Chairman ng Bid and Awards Committee sa Makati City na ang lahat ng proyektong ipinapa-bid ng Makati City government ay ibinibigay sa mga piling kontraktor batay sa personal na desisyon ni VP Binay at hindi ayon sa itinatakda ng batas at hindi lamang ang kontrobersyal na Makati Parking Building ang niluto sa bidding kundi lahat ng proyekto sa Makati kasama na ang birthday cake para sa mga senior citizens.
Inamin din ni Hechanova na tumatanggap siya ng P200,000 allowance bawat buwan mula kay VP Binay para lutuin lamang ang bidding ng mga proyekto ng Makati City Hall pabor sa mga kontratista ng Bise Presidente.
- Latest