OMB Chair Ricketts at 3 pa, sinuspinde ng Ombudsman
MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan si Optical Media Board Chairman Ronald Ricketts at tatlo pa nitong tauhan nito nang mapatunayang guilty sa kasong Neglect of Duty sa isinagawang raid operation laban sa Sky High Marketing Corporation (Sky High).
Kasama ni Ricketts na nasuspinde sina OMB Executive Director Cyrus Paul Valenzuela, Head ng Enforcement and Inspection Division (EID) Manuel Mangubat, Investigation Agent I Joseph Arnaldo, at Computer Operator II Glenn Perez.
Bunga nito, agad inutos ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na kasuhan ang mga ito sa Sandiganbayan ng kasong criminal dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019).
Sa pagbusisi ng Ombudsman, nalaman na noong May 27, 2010, nilusob ng mga ahente ng OMB ang Sky High Marketing Corporation sa Quiapo, Manila. Nakumpiska nila rito ang 127 kahon at dalawang sako ng mga pirated Digital Video Discs (DVDs) at Video Compact Disks (VCDs), isang unit ng Video Recording Human I. P. C at nahuli ang tatlong Chinese nationals.
Matapos ang raid, ang mga kumpiskadong gamit ay dinala sa OMB office noong hapon ng nasabing araw at kinagabihan ay inilabas sa loob ng OMB compound dahil na rin umano sa utos ni Ricketts kahit pa walang aprubadong gate pass permit, kung saan ginamit pa ang Isuzu Elf truck ng Sky High.
Sinasabing dapat sana ay kinasuhan na agad ni Ricketts ang may ari ng nakumpiskang mga fake dvd’s at cd’s pero sa halip ay pinayagan pa nitong mailabas mula sa OMB compound ang mga kumpiskadong items kayat dapat itong maparusahan ng batas gayundin ang mga tauhan nito na maykinalaman din sa naturang insidente.
- Latest