Reporma ni Gazmin sa VFP, suportado ng mga beterano
MANILA, Philippines - Sinuportahan ng grupo ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na Defenders of Bataan and Corregidor, Inc. (DBCI) ang ipinakitang political will ni Defense Secretary Voltaire Gazmin upang magkaroon ng bagong Constitutions and By-Laws (CBL) at ireporma ang Veterans Federation of the Philippines (VFP).
Sa kanyang liham kay Gazmin, iginiit ni DBCI National Commander Rafael Evangelista, napapanahon sa matuwid na landas ni Pangulong Aquino ang bagong CBL ng VFP upang ipalit sa ipinatutupad na konstitusyon ng grupo ni dating Col. Emmanuel de Ocampo na nagmistulang kaharian nito ang samahan ng mga beterano.
Kabilang sa mga nagsilahok sa pagdinig para mabuo ang CBL sina ret. Gen. Rodrigo Gutang ng Alliance for the Amelioration, ret. Col Cesar Pobre ng Cavalier Association of Veterans at ret. Lt. Gen. Raul Urgello ng KAMPILAN Peace-keepers Association, Inc.
Kinondena ng DBCI ang tangkang pagharang ng grupo ni De Ocampo para maipatupad ang CBL ng VFP na wastong pangasiwaan ni Gazmin batay sa Republic Act 2640 na nilikha noong 1960 at nagsasaad na dapat itong nasa ilalim ng kontrol at superbisyon ng Secretary of National Defense.
- Latest