‘One truck lane’ sa C-5 aarangkada ngayon
MANILA, Philippines - Ngayon ang unang araw nang pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng “one truck lane” sa kahabaan ng C-5 Road upang maisaayos umano ang daloy ng trapiko.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino na “test run” pa lamang ang kanilang isasagawa at titignan kung magiging epektibo ito upang mabawasan ang antas ng aksidente sa C-5 Road.
Nilinaw rin nito na hindi nila inaasahan na mababawasan ang pagbubuhol ng trapiko sa C-5 Road dahil sa parehong dami pa rin naman ng sasakyan ang babagtas sa kalsada ngunit maisasaayos umano nila ito sa pagbibigay ng isang lane lamang sa mga trak.
Pinaalala rin ni Tolentino na papayagan lamang na magamit ng mga trak ang C-5 truck lane tuwing alas-10:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-10:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga dahil epektibo pa rin ang truck ban.
Ipagbabawal din ang pagparada ng mga container trucks sa gilid ng C-5 at mga kadikit na kalsada; huhulihin at pagmumultahin ng P2,000 ang mga trak na lalabag sa bagong polisiya at pagpapa-blacklist ng trucking company.
Bukod dito ipatutupad bukas hanggang Enero 31, 2015 ang pagsasara ng 7 U-turn slots sa C-5 maliban sa mga nasa ilalim ng flyovers at intersections.
- Latest