Matapos mawala ng 10 araw... Kinaroroonan ng bangkay ng dalagita sinabi sa text
MANILA, Philippines - Gumuho ang pag-asa ng isang pamilya na makikita pa nilang buhay ang kanilang 16-anyos na dalagita matapos na makatanggap ng isang text message sa hindi nagpakilalang sender na nagtuturo kung saan matatagpuan ang pinaglibingan ng bangkay nito sa Barangay San Antonio, Noveleta, Cavite kahapon ng umaga.
Sa tulong ng isang text message mula sa hindi nagpakilalang sender ay nagtapos ang 10 araw na paghahanap ng pamilya nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Karen Aguirre na nakalagay sa sako at bahagyang nakabaon sa madamong bahagi ng lugar.
Ang biktima ay may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa leeg na hinihinalang ikinamatay nito.
Magugunita na noong Agosto 14 pa nang iulat ng mga magulang ng biktima ang pagkawala nito hanggang sa may mag-text sa kanila kung saan matatagpuan ang bangkay.
Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang pamilya at natunton ang pinaglibingan ng biktima.
Ayon din sa pulisya, na kamakailan ay natagpuan din ang bangkay ng kaibigan ng biktima sa Brgy. Sta. Rosa, Noveleta.
Noong Hulyo 31 ay napaslang ang isang lalaki na most wanted ng Noveleta na umano’y kaibigan ng dalawang dalagitang biktima.
Inaalam na ng mga otoridad kung may koneksiyon sa isa’t isa ang tatlong insidente ng pamamaslang lalo at ang lugar na kinatagpuan sa bangkay ni Aguirre ay likod bahay lang ng napatay na most wanted.
- Latest