Ginang nang away sa simbahan, kinasuhan
MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang isang ginang matapos na i-harass umano nito ang isang 27-anyos na dalaga sa loob ng simbahan sa Sta. Maria Bulacan, iniulat kahapon.
Ayon sa imbestigasyon ni PO3 Joey Cabarles, ang biktimang itinago sa pangalang Ellaine, residente ng Km. 40 Garden Village Brgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan ay nagtamo ng maraming pasa sa kanyang katawan dahil sa umano’y pananakit sa kanya ng suspek na si Eva Marie Reyes, residente ng Blk 18 Lot 52 Bulacan Meadows Brgy. Caypombo, Sta. Maria, Bulacan noong Agosto 3, 2014, dakong alas 11:30 ng umaga matapos ang fellowship sa loob ng isang simbahan.
Sinabi ng biktima na bigla na lang siyang nilapitan ng suspek sabay dinuruduro at binantaan na muling sasaktan sa pamamagitan ng pangungudngod at inakusahan ang una na sinungaling.
Unang pinagsabihan umano ng biktima ang anak ng suspek na nakilalang si Joana na ayusin ang pananamit habang nagsasayaw sa loob ng simbahan at magsuot ng maayos na bra upang maproteksiyunan ang dibdib nito. Ngunit ikinasama umano ito ng loob ng suspek, na humantong sa panunugod at pananakit nito sa biktima.
Sa ngayon ay nahaharap sa kasong threat, slander at physical injury ang suspek sa Office of the Provincial Prosecutor at kung mapapatunayang guilty ay posibleng mapatawan ng parusang pagkakakulong at pagmumulta.
- Latest