Field trip tragedy... 6 estudyante, nalunod
MANILA, Philippines - Umakyat na sa anim ang bilang ng mga estudyante ng Bulacan State University (BSU) na nasawi sa pagkalunod sa Madlum River, Barangay Sibol, San Miguel, Bulacan noong Martes.
Kahapon ng alas-10:20 ng umaga nang makita ang bangkay ni Janet Rivera at dakong alas-2:00 ng hapon ay natagpuan ang bangkay ni Madel Navarro.
Habang pinaghahanap pa rin ang isa pang estudyante na kinilalang si Maiko Bartolome.
Una nang natagpuan ang labi ng apat na estudyanteng kinilalang sina Sean Alejo,15; Mikhail Alcantara,15; Michelle Ann Rose Bonzo,16 at Helena Marcelo,16.
Sa paunang imbestigasyon, apat na bus ng mga tourism student ng BSU ang nagtungo sa makasaysayang Biak Na Bato Cave sa San Miguel para sa kanilang field trip.
Ang Madlum River cave ay isa sa mga itinuturing na UNESCO World Heritage Site at isang popular na destinasyon ng mga turista sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat na natanggap ni Police Superintendent Ganaban Ali, hepe ng pulisya sa San Miguel, sakay ng balsa ang ilang estudyante at pauwi na nang biglang tumaas ang antas ng tubig sa ilog kasunod ng malakas na ulan.
Dito na inanod ng tubig ang balsang sinasakyan ng mga ito.
Binigyan na ng first aid ang dalawa sa mga nasagip na estudyante na nasugatan sa matatalas na bato sa nasabing ilog na kinilalang sina Althea Hernandez at Daniela Cunanan.
Nabatid pa sa mga residente sa lugar na sa tuwing malakas ang ulan ay bumabagsak sa Madlum River ang tubig na galing sa bundok na nagiging sanhi ng biglaang pagtaas ng tubig at pagbaha.
- Latest