Drug den nalansag
MANILA, Philippines - Isa na namang drug den ang nabuwag ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasabay ng pagkakadakip sa dalawang maintainers nito at lima pang katao matapos ang isinagawang anti-illegal drug operation sa probinsya ng Pangasinan.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac Jr., nabuwag ang nasabing drug den matapos matuklasan ng PDEA Regional Office 1 (PDEA RO-1) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Pangasinan ang isang bahay sa San Idelfonso St., Brgy. Capaoay, San Jacinto, Pangasinan nang isagawa ang buy-bust operation laban sa mga suspek.
Ang mga suspek ay nakilalang sina Jesus Columbres Jr., alyas Lakay, 50; Jo Federico Buenavista, alyas Joco, 30; umano’y maintainers ng drug den; Rolando Conlas, 27; Lyka Buenavista, 27; mga empleyado; at mga dumadalaw sa drug den na sina Alvin Lomibao, 37; Charmy Cruz, 18; at Matthew Arnold de Guzman, 37.
Ang nasabing buy bust operation ay isinagawa ganap na alas-5:30 ng gabi, kung saan mabilis na dinakip ang mga suspek na nakuhanan ng tatlong plastic sachet ng shabu.
Sa paghahalughog, nadiskubre ng tropa ang minamantine nilang drug den sa kanilang tahanan kung saan nasamsam ang iba’t-ibang drug paraphernalia, isang Kawasaki Rouser motorcycle (1175-AU), isang Honda Bravo motorcycle (8373-AL) at isang Rusi motorcycle na may side car.
Sina Columbres at Buenavista ay nahaharap sa kasong paglabag sa section 5 (sale of dangerous drugs), section 6 (maintainance of a drug den) at section 12 (possesion of drug paraphernalia) article II ng Republic act 9165 o ang comprehensive dangerous act of 2002. Habang section 7 (employees or visitors of a drug den) naman sa iba pang suspek.
- Latest