Bebot pinatay ng ka-partner sa motel
MANILA, Philippines - Isang hindi pa nakikilalang babae ang pinatay sa sakal ng lalaki na kanyang kasama sa isang motel sa Quezon City.
Ayon sa pulisya, dakong alas-7:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng hindi pa kilalang babae na walang saplot sa loob ng inupahan nitong room 104 Balintawak Exit Apartelle na matatagpuan sa Edsa, Brgy. Unang Sigaw, Balintawak.
Inilarawan ang biktima na tinatayang 30 hanggang 35-anyos, mahaba ang buhok, kayumanggi ang kulay ng balat.
Habang inilarawan ng mga saksi ang lalaking nakasama nito na nasa 40 hanggang 45 anyos.
Sa pahayag ng mga kawani ng apartelle na dakong alas-7:00 ng gabi nang mag-check-in ang biktima kasama ang suspek sa nasabing motel.
Ayon sa staff ng motel na si May Jean Nicolas, dakong alas-2:30 ng madaling-araw ay nakita nilang nagmamadaling umalis ang lalaki.
Kaya’t alas-7:00 ng umaga na siyang oras ng checkout ng mga biktima ay kinatok ito ng mga staff, subalit walang sumasagot.
Gumamit ng duplicate key ang mga staff at dito ay nakita nila ang biktima na hubo’t hubad at wala nang buhay.
Nabatid na tinangay ng suspek ang mga mahahalagang gamit ng biktima.
- Latest