4 bihag na pulis palalayain na ng NPA rebels
MANILA, Philippines - Ipinatupad na ng tropa ng pamahalaan ang limang araw na tigil-putukan sa anim na bayan ng Surigao del Norte upang bigyang daan ang pagpapalaya sa apat na pulis na ginawang prisoners of war (POWs) ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Ayon kay Captain Alberto Caber, Spokesman ng AFP Eastern Mindanao ang limitadong ceasefire ay ipinatupad sa mga bayan ng Placer, Bacuag, Tubod, Gigaquit, Alegria at Claver; pawang sa nasabing lalawigan na nag-umpisa nitong Hulyo 27 ng hapon at magtatapos sa Agosto 1.
Kabilang sa mga pulis na binihag ng New People’s Army (NPA), ang armed wing ng CPP-NDF ay sina PO3 Vic Calubag Concon, PO1s Rey O’niel Morales, Joen Zabala at Edito Roquino; pawang mga kasapi ng Alegria Municipal Police Station (MPS).
Magugunita na binihag ng tinatayang nasa 60 rebeldeng NPA na sumalakay sa Alegria MPS noong Hulyo 10 na kung saan ay dalawang pulis ang nasugatan habang tatlo ang nasawi sa panig ng mga rebelde.
- Latest