Pulis na karnaper napatay
MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang isang pulis at kasama nito na sangkot sa carnapping nang isagawa ang isang entrapment operations kahapon sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa pamamagitan ng nakuhang ID nito na si PO1 Jay Rowan Poquiz, residente ng Tondo, Manila, at dating nakatalaga sa Headquarters Support Group sa Camp Crame na natanggal sa serbisyo dahil sa absent without official leave (AWOL).
Inilarawan naman ang kasama nito na nasa pagitan ng 30-35 anyos, may taas na 5’2”, payat, nakasuot ng kulay pulang t-shirt, at camouflage na shortpants, may tattoo na Mikko sa dibdib, Jay-AR sa kanyang kaliwang braso, Pastor Bal sa kanyang kanang braso at Paul Henry Jutay sa kanyang likod.
Batay sa ulat, bago nangyari ang shootout dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa pagitan ng dalawang suspek at tropa ng Anti-Carnapping Unit ng QCPD sa kahabaan ng Quirino Highway malapit sa Sacred Heart Novitiate, Brgy. Greater Lagro ay nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis sa lugar.
Nagkunwaring bibili ng nakaw na motorsiklo sa mga suspek ang isang confidential agent ng pulisya sa pinagkasunduang lugar.
Pagdating sa lugar ng mga suspek partikular sa may Caltex gasoline station, sakay ng isang kulay green na Yamaha Mio motorcycle (1892-OS) para sa naturang transaksyon ay nakatunog ang mga ito na nag-aabang ang mga pulis kaya’t tumakas sila.
Nagkaroon ng habulan at pagsapit sa naturang lugar ay pinaputukan umano ng isa sa mga suspek ang mga pulis kaya’t gumanti ng putok na nauwi sa shootout na ikinasawi ng dalawang suspek.
Lumalabas sa imbestigasyon na nag-umpisa ang operasyon ng grupo ni Poquiz noong 2012 sa Maynila hanggang sa lumaki ang kanilang grupo ay saka nagsimulang mag-operate sa Metro Manila hanggang sa kalapit na probinsya.
- Latest