17 BIFF, 1 sundalo patay sa bakbakan
MANILA, Philippines - Umaabot sa 17 rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi kabilang ang ikalawang pinakamataas na pinuno ng grupo at 1 sundalo sa muling pagsiklab nang sagupaan sa Maguindanao kamakalawa.
Kinumpirma ni Col. Dickson Hermoso, Spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, kasama sa mga napaslang sa mga kalaban ay si alyas Commander City Hunter, 2nd man ng grupo ni BIFF Commander Ameril Umbrakato.
Sa 17 BIFF fighters na napatay, sampu rito ang narekober ang bangkay habang ang iba naman ay inilibing na ng kanilang mga nakatakas na kasamahan at sa mga napaslang ay lima pa lamang ang natukoy ang pagkakakilanlan na bukod kay City Hunter ay kinabibilangan rin ng mga security aides nitong sina Dris Salik, Mashud Ali, Nur Hassan at Mantawil Kaliga.
Nagsimula ang bakbakan nang i-harass umano ng mga armadong BIFF fighters ang detachment ng militar ng 62nd Division Reconnaissance Company (DRC) sa Brgy. Damabalas, Datu Piang, Maguindanao dakong alas-12:15 ng madaling-araw na nagresulta sa 2 oras na bakbakan.
Ilang oras pa ay inatake rin ng BIFF rebels ang posisyon ng 61st DRC sa Brgy. Ganta, Shariff Saydona ng lalawigan at dito’y muling nagbakbakan ang magkabilang panig at dito ay napatay ang isang sundalo at isinugod naman sa pagamutan ang tatlong miyembro ng Enlisted Personnels (EPs) ng Philippine Army.
Natigil lamang ang bakbakan dakong alas-2:00 ng hapon makaraang magsitakas ang BIFF fighters bitbit ang ilan sa mga napatay na kanila ng inilibing at maging ang mga nasugatan sa kanilang panig.
- Latest