‘Justices’ ni PNoy, umaalma na?
MANILA, Philippines - Idineklara ng mga tauhan ng korte na ‘Monday protest’ kahapon upang ipakita ang pagtutol sa pagtanggal ng Judiciary Development Fund (JDF) at para ipagtanggol na rin ang mga mahistrado na nagdesisyon na unconstitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Si Chief Justice Maria Lourdes Sereno ay dumating na nakasuot ng dark gray suit habang naka-itim na t-shirt ang mga empleyado ng Supreme Court. Naka-jacket na itim rin si Justice Estrella Perlas Bernabe. Una ng itinalaga ni Pangulong Aquino si Sereno na kapalit ni dating Chief Justice Renato Corona matapos itong mapatalsik.
Ang mga empleyado naman ng Court of Appeals ay mga naka-pula sa kanilang isinagawang flag raising ceremony.
Nakiisa rin ang mga taga-Regional Trial Court (RTC) at ibang hukuman sa buong bansa bilang pagsuporta sa diumano’y pambu “bully” ng Pangulo sa Korte Suprema sa televised speech nito ukol sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Nilinaw naman ng mga ito na boluntaryo ang pagsali nila sa naturang protesta.
Mauulit pa ang naturang protesta sa Lunes, Hulyo 28 kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.
Para kay SC-Employees Association President Jojo Guerrero, malaking bagay para sa kanila na maging ang mga opisyal ng korte ay nakikilahok sa kanilang layunin.
Pero pagtitiyak nila, hindi apektado ang trabaho ng hukuman dahil silent protest lamang ito at ginagawa nila tuwing break time.
- Latest